Taglay ang tinig na kasindakila ng masaganang bukirin ng Bayambang, itinanghal na kampeon si Jonalyn Bugarin ng Barangay Ambayat 1st sa ‘Farmers Got Talent’ matapos ang kanyang nakakaantig na pagtatanghal na nagbibigay-pugay sa buhay ng mga magsasaka. Ang patimpalak ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong Marso 31, 2025.
Sa kanyang makabagbag-damdaming rendition ng “Sayang na Sayang,” agad niyang nakuha ang puso ng mga manonood at humakot ng malalakas na palakpak. Sa iskor na 93.12%, tinanghal siyang grand winner at naiuwi ang ₱50,000 na gantimpala.
Lubhang tumimo sa damdamin ng madla ang kanyang inawit, lalo na ang mensaheng hatid nito tungkol sa pagsisisi at nawalang pag-ibig. “Inaalay ko ang kantang ito sa mga walang pagpapahalaga sa tunay na pag-ibig,” ani Bugarin.
Samantala, pumangalawa si Jordan Dacanay ng Barangay Idong matapos niyang awitin ang “One in a Million You,” na may iskor na 92.68% at premyong ₱30,000. Sinundan siya ni Felipe Vallo Jr. ng Barangay Malioer bilang 2nd Runner-Up sa kanyang pagtatanghal ng “Kansyo’y Dumaralos,” na nakakuha ng 92.33% at gantimpalang ₱20,000. Ang lahat ng iba pang kalahok ay nakatanggap ng ₱3,000 bilang consolation prize.
Bagaman hindi napabilang sa mga nagwagi, kapansin-pansin ang makapangyarihang pag-awit ni Magno Bautista ng “She’s Gone,” at ang emosyonal na pagtatanghal ni Marivic Inocencio ng “I’m Your Lady,” na nagbigay-saya sa buong audience.
Pinaigting pa ng isang mensaheng mula kay Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao ang kahalagahan ng pagdiriwang. Sa isang video na ipinalabas sa entablado, binigyang-diin niya ang suporta ng pamahalaan para sa mga magsasaka.
“Ang ating pagsuporta sa kapakanan ng mga magsasaka ay pagsuporta rin sa kanilang mga karapatan at pangangailangan,” aniya.
Ang hurado ng patimpalak ay binubuo nina Mr. Antonio T. Luces Sr., Ms. Melanie R. Junio, at Ms. Ludivina J. Vidad, na sumuri sa bawat kalahok batay sa kalidad ng boses, kumpiyansa sa entablado, at damdaming ipinahatid sa kanilang pag-awit.
Eksklusibong itinakda ang patimpalak para sa mga rehistradong magsasaka sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), bilang pagkilala sa kanilang tiyaga at ambag sa agrikultura.
Kabilang din sa mga tampok na bahagi ng Farmers’ Day Celebration ang “Pinaka” Contest at ang Farmers’ Booth Competition.
(Isinulat ni: Samantha Katrina Ysabela DV. Soriano; Mga larawan ni: Aaron Gabriel P. Mangsat; Inedit nina: Mr. Frank Brian S. Ferrer / Mr. Mark Ivhan Jay N. Peralta)