Pormal nang binuksan ang showroom ng LS Tractor Region 1 sa Brgy. Amanperez, Bayambang, Pangasinan, noong Abril 15, 2026, bilang hakbang upang higit pang mapalakas ang modernisasyon ng agrikultura sa pamamagitan ng aktibong pakikipagtulungan ng pribadong sektor.
Ang inisyatibang ito ay bunga ng ugnayan ng iba’t ibang pribadong kumpanya na naglalayong mailapit sa mga magsasaka ang dekalidad at makabagong kagamitang pansaka. Binigyang-diin sa pagbubukas na ang showroom ay hindi pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Bayambang at hindi rin eksklusibo para sa mga magsasaka ng bayan, kundi bukas para sa mas malawak na sektor ng agrikultura sa buong rehiyon.
Dumalo sa naturang okasyon at nagbigay ng mensahe sina Bernard O. Bawing, Presidente ng CSFirst Green Agri-Industrial Development Inc.; Dionisio G. Alvindia, Director ng PHILMECH; Dr. Cezar T. Quiambao, CEO ng CSFirst Green Agri-Industrial Development Inc.; Hyungki Kim, Presidente ng AHICO; at Martin Lee ng LS Tractor, na pawang sumuporta sa adbokasiya para sa makabagong pagsasaka.
Sa kaniyang mensahe, hinikayat ni Dr. Cezar T. Quiambao ang mga magsasaka na yakapin ang pagbabago at modernong teknolohiya. Aniya, “Sa ating mga magsasaka, lalo na dito sa bayan ng Bayambang, kailangan tanggapin natin ang mga bagong teknolohiya sa pagtatanim, pagha-harvest at pag-i-istorage ng ating produkto. Huwag tayong matakot sa pagbabago, huwag tayong ganun na lang, for the last 20 years pare-pareho ang ginagawa natin. Let’s try to improve productivity–importante iyan.”
Dinaluhan din ang grand opening ng iba’t ibang media partner outlets na nagsilbing saksi sa makabuluhang okasyong ito, na nagbigay-daan upang mas maipalaganap sa publiko ang kahalagahan ng makabagong teknolohiyang pang-agrikultura at mga serbisyong iniaalok ng kumpanya.
Tampok sa programa ang pagpapakilala sa iba’t ibang modelo ng traktora na angkop sa iba’t ibang uri ng pagsasaka, gayundin ang aktuwal na demonstrasyon ng paggamit ng mga makinarya. Ibinahagi rin ang tamang operasyon, maintenance, at mga serbisyong kaakibat tulad ng warranty at after-sales support upang matiyak ang episyenteng paggamit ng mga kagamitan.
Bukod dito, nakiisa rin ang Land Bank of the Philippines sa programa upang magbigay ng suportang pinansyal sa mga magsasakang nagnanais magkaroon ng sariling traktora. Ayon sa kanila, maaari nang makabili ng makinarya sa pamamagitan ng 10% down payment, habang ang natitirang 90% ay maaaring ipasok sa financing ng bangko sa mababang interest—isang malaking tulong upang maging mas abot-kaya ang makabagong kagamitan sa pagsasaka.
Sa pamamagitan ng partisipasyon ng iba’t ibang sektor at suporta ng mga institusyong pinansyal, nabibigyan ang mga magsasaka ng oportunidad na mapataas ang ani at mapababa ang gastusin sa produksyon.
Sa kabuuan, ang pagbubukas ng LS Tractor Region 1 ay patunay na, sa tulong ng pribadong inisyatiba at kolaborasyon ng iba’t ibang sektor, unti-unting nailalapit ang modernisasyon ng agrikultura sa mga komunidad—isang mahalagang hakbang tungo sa mas episyente, produktibo, at napapanatiling sektor ng pagsasaka sa bansa. (JLT; RSO)















