LCRO, Rumatsada sa Brgy. Tambac at Bacnono; Pagrerehistro ng mga Bayambangueño, Inayos!

Dumagsa ang mga magulang at opisyal ng barangay sa Brgy. Tambac Covered Court nitong Huwebes, Enero 29, 2026, at Brgy. Bacnono Covered Court nitong Byernes, Enero 30, 2026, matapos magsagawa ang Local Civil Registry Office (LCRO) ng isang Information and Education Campaign (IEC) na layong ilapit sa mamamayan ang mahahalagang kaalaman at serbisyo sa civil registration.

Sa temang “Your Name, Your Right!” ipinaliwanag sa programa ang tamang pagrerehistro ng kapanganakan, kasal, at kamatayan, gayundin ang mga bagong patakaran batay sa PSA Memorandum Circulars upang maiwasan ang aberya sa mga civil registry record sa hinaharap.

Pinangunahan ni Municipal Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. ang talakayan, kung saan malinaw niyang ipinaliwanag ang mga proseso at sinagot ang samu’t saring tanong ng mga dumalo sa open forum. Ipinabatid din niya ang mga iba’t-ibang programa ng nasabing tanggapin na bukas palagi ang serbisyo sa mga Bayambangueño.

Ipinahayag naman ni Punong Brgy. Gerry S. Rivera ng Brgy. Tambac, Punong Brgy. Carlito M. Gonzales ng Brgy. Bacnono, at Punong-Guro Jenny J. Marquez ng Bacnono Elementary School ang kanilang pasasalamat sa LCRO sa pagdadala ng serbisyo mismo sa komunidad.

Kasabay ng IEC, nagkaloob din ang Local Civil Registry ng iba’t ibang serbisyong sadyang inaabangan ng publiko tulad ng mobile late registration at Birth Registration Assistance Project (BRAP), correction of entries, legitimation, paggamit ng apelyido ng ama, supplemental reports, at maging aplikasyon sa gaganaping libreng kasalang bayan. (Jasmin Junio/LCRO; LCRO)