Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kahandaan sa pagtugon sa mga emergency, nagsagawa ang Bayambang Public Safety Office (BPSO) ng Fire Safety at Basic First Aid Seminar para sa 65 BPSO at Task Force Disiplina (TFD) personnel sa Pinoy Workers Partylist Center, June 27, 2026.
Pinangunahan ni 1LT Amory M. Junio (Res) PA, TFD Deputy at Chief of Operations ng BPSO, ang programa.
Sa mensaheng ipinaabot ni Municipal Administrator at Officer-in-Charge ng BPSO, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, hinikayat ang mga kalahok na patuloy na palawakin ang kanilang kaalaman at kahandaan sa pagtugon sa mga emerhensiya bilang bahagi ng mahusay na paglilingkod sa mamamayan.
Tinalakay nina FO1 Stancris Nigel Caole at FO1 Joannes Paulus Buenavista ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bayambang ang Fire Safety at Basic First Aid upang higit pang mapaunlad ang kakayahan ng mga kalahok sa pag-iwas sa sunog, pagbibigay ng paunang lunas, at wastong pagtugon sa mga emergency.
Sa pamamagitan ng naturang seminar, higit pang napalakas ang kakayahan ng mga BPSO personnel sa pagprotekta sa buhay at kaligtasan ng mamamayan, kasabay ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na maghatid ng maagap, mahusay, at handang serbisyong pampubliko sa anumang oras ng pangangailangan. (Lara F. Apolonio/RSO; LFA)





