634 Katao, Bagong Batch na Nagtapos sa DSWD 4Ps

May 634 katao ang kabilang sa panibagong batch ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nagsipagtapos ngayong araw, Agosto 6, 2026, sa ginanap na Graduation o Exit Ceremony sa Balon Bayambang Events Center, bilang pagkilala sa kanilang matagumpay na pag-angat mula sa programa matapos maabot ang mga itinakdang pamantayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang pagtatapos ay sumasalamin sa layunin ng 4Ps na tulungang maging mas matatag at sapat ang kabuhayan ng mga pamilyang Pilipino upang hindi na muling bumalik sa matinding kahirapan.

Pinangunahan ng DSWD Field Office I ang programa sa pangunguna ng Team Leader na si Richard Rivera, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa pamamagitan ng MSWDO. Idinetalye ni G. Rivera kung paano nagsimula ang 4Ps at ang mga awards na natanggap at mga accomplishment na nakamit ng LGU simula noong 2025.

Sa pambungad na mensahe si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, kanyang pinasalamatan ang lahat ng mga tumulong para maging tagumpay ng programang 4Ps sa Bayambang.

Iprinesenta rin ni MSWD Officer Kimberly P. Basco ang Sustainability Plan 2026 na magsisilbing gabay upang mapanatili ng mga nagsipagtapos ang kanilang pag-unlad kahit wala na sila sa ilalim ng programa.

Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, nagbigay naman ng inspirasyunal na mensahe si Cuoncilor Jocelyn S. Espejo, at ito ay sinundan ng pormal na endorsement ng mga graduating household beneficiaries ni 4Ps Division Chief Rosalyn L. Descallar, sa pamamagitan ni SWO III Agnes Natividad.

Tinanggap ni Atty. Vidad ang mga nagsipagtapos bilang mga pamilyang handa nang tumayo sa sariling kakayahan at patuloy na maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng komunidad.

Naghatid din ng mensahe ng suporta si Pangasinan 3rd District Representative at Deputy Speaker Hon. Maria Rachel J. Arenas sa katauhan ni Malasiqui Councilor Jessica Gueco.

Isa sa mga tampok sa programa ang pagbabahagi ng inspirasyonal na kuwento ng isang 4Ps graduate, na nagsilbing patunay sa positibong pagbabagong naidulot ng programa sa buhay ng mga benepisyaryo.

Nakiisa rin ang Varsitarian Dance Group sa mga intermission number upang magbigay ng kasiyahan sa pagdiriwang.

Pinangunahan naman ni Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, sa pamamagitan ni Ms. Victoria Malagotnot, ang panunumpa laban sa kahirapan, bilang simbolo ng pangako ng mga nagsipagtapos na ipagpapatuloy ang kanilang pagsisikap tungo sa mas maunlad na pamumuhay.

Nagtapos ang programa sa paggawad ng mga sertipiko at token sa mga graduates na isang sakong bigas at isang tray ng itlog kada pamilya mula kay Mayor Niña, at sa closing remarks ni Jeri Miah V. Fullero, Municipal Link at Assistant Team Leader.

Ang graduation ng panibagong batch ng 4Ps beneficiaries ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng DSWD at ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa pagbibigay ng mga oportunidad na nagbubukas ng landas tungo sa pangmatagalang pag-unlad at mas magandang kinabukasan para sa bawat pamilyang Bayambangueño. (RSO; AG)