Ang Municipal Agriculture Office (MAO) ay nagpamahagi ng 100 sako ng hybrid yellow corn seeds at 525 sako ng inorganic fertilizers para sa 55 farmer-cooperators ng 50-ektaryang Corn Model Farm Program noong December 4, 2024, sa District 4 Warehouse sa Brgy. Carungay.
Ang mga farmer-cooperators na ito ang siyang itinakda ng Department of Agriculture-Regional Field Office 1 (DA-RFO 1) para sumailalim sa kanilang Corn Banner Program.
Kasama rin sa programa ang paggamit ng Nutrient Expert for Maize Philippines (NEMPh), isang software na nagbibigay ng rekomendasyon sa tamang dami ng pataba.
Layunin ng inisyatibang ito na madagdagan ang ani ng mga magsasaka ng 1 metric ton bawat ektarya.
Sa pamamagitan ng tamang pamamahala sa paggamit ng pataba, inaasahan ding magiging mas efficient ang produksyon ng mais, alinsunod sa mga rekomendasyong ibinibigay ng NEMPh.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsuporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura upang mapataas ang produksyon at mapabuti ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. (Rovin Gem D. Soriano/RSO; MAO)