520 Mag-aaral sa Buenlag ES, Nilibre ni Mayor Niña ng McDonald’s!

Umabot sa 520 na mag-aaral ng Buenlag Elementary School sa Brgy. Buenlag 1st ang binigyan ni Mayor Niña ng McDonald’s fried chicken meal, bilang bahagi ng paglulunsad ng pangatlong taon ng kanyang “Buklat Aklat” project noong Hunyo 23, 2026.

Tuwang-tuwa ang mga mag-aaral sa surprise treat na ito, kaya naman lalo silang ginanahan upang matutong magbasa at umintindi ng binabasa.

Sa “Buklat Aklat,” naging guro pansamantala si Mayor Niña kung saan itinuro niya sa mga bata ang tamang paraan ng pagbabasa mula sa malinaw na pagbigkas ng mga salita hanggang sa tamang pag-unawa sa diwa ng kanilang binabasa.

Kasabay nito ang pagbabahagi ng mga mahahalagang aral tungkol sa mabuting asal: ang paggalang sa nakatatanda, pagsunod sa mga magulang at guro, pagsasabi ng katotohanan, at pagiging mabuti sa kapwa.

Bilang karagdagang tulong, namahagi rin ang alkalde ng mga reading at coloring books sa bawat mag-aaral. Ang mga librong ito ay magsisilbing kasangkapan nila upang patuloy na mahasa ang kanilang kakayahang bumasa at magamit ang kanilang imahinasyon sa pamamagitan ng pagkulay.

Bukod sa mga mag-aaral, nagpahayag din ng pasasalamat ang punong-guro at mga guro ng paaralan, dahil ang ganitong uri ng suporta ay nakatutulong upang mahikayat pa lalo ang mga mag-aaral na mahalin ang pagpasok sa paaralan at ang pagkatuto. (VMF/RSO; RobC, AG)