Ginanap ngayong araw, Nobyembre 25, 2025, sa SB Session Hall ang ika-4 na kwarter na pagpupulong ng Local Youth Development Council (LYDC) na pinamunuan ni SK Federation President John Roy Jalac at ni Local Youth Development Officer (LYDO) Ray Hope O. Bancolita, kung saan tinalakay ang iba’t ibang isyu at usapin hinggil sa kapakanan at pangangailangan ng mga kabataan.
Nagbigay ng kani-kanilang ulat ang mga pangulo at miyembro ng SSG at SSC ng mga pampublikong mataas na paaralan tungkol sa mga programang kanilang isinagawa. Inilahad din nila ang kanilang mga hinaing at kahilingan upang maisama ang mga ito sa mga Program, Projects, and Activities (PPA) na ilalakip sa Local Youth Development (LYD) Plan.
Tinalakay rin ang mas pinaigting na pagpapalakas ng partisipasyon ng mga kabataan sa iba’t ibang youth program ng Pamahalaang Bayan sa darating na taon.
Tampok din sa pagpupulong ang presentasyon ng LYDC ng kanilang Local Youth Development Plan para sa 2026.
Dumalo sa pagpupulong ang mga SSG officers at kani-kanilang school advisers mula sa Hermoza National High School, Tococ National High School, Tanolong National High School, Sanlibo National High School, Bayambang National High School, at Ambayat Integrated School.
Ayon sa mga pinuno ng LYDC, layon ng pulong na tapusin at tuluyang maayos ang Local Youth Development Plan (LYDP) para sa 2026, na unang binuo nina SK Federation at LYDC President John Roy Jalac at LYDO Ray Hope Bancolita. Nag-update din ng LYDC officers para sa kasalukuyan.
Isinagawa rin ang isang open forum upang mapakinggan ang mga suliraning nararanasan ng mga kabataan sa kanilang paaralan at komunidad. Ito ay upang matiyak na mabibigyang-pansin at maagapan ng SK at LYDO ang mga problemang kanilang inilahad sa pamamagitan ng pagsasama ng angkop na programa sa LYDP.
Namigay rin ang LYDC ng project proposal form na gagamitin ng mga estudyante upang ilahad ang mga PPA na sa tingin nila ay pinakamahalaga para sa kapwa nila kabataan. Sa ganitong paraan, naging mas bukás at kolaboratibo ang pagbuo ng mga programa, upang matiyak na ang mga ilalakip sa LYDP ay tunay na tugma sa pangangailangan ng kabataang Bayambangueño.
Mahalaga ang LYDP dahil ito ang magsisilbing gabay ng bawat SK Chairperson sa pagbubuo ng kanilang Comprehensive Barangay Youth Development Plan, na magiging batayan sa mga programang ihahatid nila sa kani-kanilang barangay at sa buong bayan. (RSO; LYDC)







