Ang Municipal Advisory Committee (MAC) Meeting ay nagpulong para sa huling kwarter ng taon noong ika-6 ng Disyembre 2023, sa Mayor’s Conference Room, sa pag-oorganisa ng Department of Social Welfare and Development-Regional Field Office I Municipal Links at Municipal Social Welfare and Development Office.
Dumalo sa pulong sina SB Committee Chairman on Social Services, Indigents and Disabled Persons na si Councilor Benjie de Vera, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, mga department head ng LGU, at mga NGO, kabilang ang religious sector.
Dito ay ipinagpatuloy ang talakayan sa lahat ng aktibidad ng iba’t-ibang ahensya at departamento na may kaugnayan sa Sustainable Livelihood Program (SLP) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD.
Sa pulong ay inanunyo ng DSWD Municipal Operations Office (MOO) ang mga natanggap na parangal mula sa katatapos na 2023 4Ps Program Implementation Review cum Staff Development and Wellness sa Hotel Supreme Convention Plaza, Baguio City noong November 8-10, 2023.
Ang MOO-Bayambang ay itinanghal bilang “Most Participative Municipal Operations Office.” Sila ay nakatanggap din ng “Special Citation on Partnership Engagement” at kinilala bilang “Case Management Champion.”
Sa individual category naman, binigyan ng parangal si John Christopher R. Rosquita bilang “Most Responsive Provincial Operations Office Staff.” Si Lawrence Roy P. Domagas ay tumanggap ng “Special Citation on SWDI Encoding,” samantalang si Ma. Teresa D. Pol ay kinilala bilang “Character of the Month Nominee for November 2022 – Hospitality.” Si Benigno M. Tamayo ay tumanggap ng “Service Awardee 2023” para sa kanyang sampung taong dedikasyon sa serbisyo at “Character of the Month Nominee for November 2022 – Hospitality.”
Bukod dito, ibinalita rin sa pulong ang tagumpay ng local mushroom product ng Bayambang, na ngayon ay mabibili na sa SNR.
Dagdag pa rito, nominado ang Bayambang sa prestihiyosong “Tanging Pinagyaman Award” sa patuloy na pagpapatupad ng LGU ng mga iba’t ibang Sustainable Livelihood Program.
(by Khim Ambrie L. Ballesteros/RSO; Photos: Khim Ambrie L. Ballesteros/MSWDO)