47 Farmers, Nagtapos sa School-on-the-Air Masagana Rice Industry Program

May 42 na magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ng Bayambang at limang empleyado ng Municipal Agriculture Office ang nagsipagtapos sa School-on-the-Air Masagana Rice Industry Program, sa isang graduation ceremony na ginanap sa Calasiao Sports Complex, Calasiao, Pangasinan noong September 19, 2025.

Ang programa ay isinagawa ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute-Regional Training Center 1 at dinaluhan ng may kabuuang 648 na graduates mula sa mga bayan sa Rehiyon I.

Ang nasabing training ay tumagal ng walong linggo na pag-aaral gamit ang mga gadgets (radyo at cellphone) para sa lectures sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka.

Binubuo ng mga lecture, diskusyon, at pagsusulit, layunin ng school-on-air program na maipamahagi ang dagdag na aral at kaalaman sa mga magsasaka kahit sila ay nasa kanilang mga tahanan o sa bukid lamang.

Naging panauhing pandangal sa seremonya si DA Secretary Francis Tiu Laurel Jr.

Ginawaran ng pagkilala ang Bayambang Municipal Agriculture Office bilang pangalawa sa may pinaka-maraming nagtapos sa school-on-the-air sa buong rehiyon.

Isa sa mga graduate ng Bayambang na si MAFC Chairperson Resie M. Castillo ay pinarangalan ng “with honors.”

Inaasahan na ang mas pinalawig na kaalaman ng bawat magsasaka sa modernong teknolohiya ay kanilang maibahagi sa kanilang kapwa magsasaka. (Jay-R Sabangan/RSO; MAO)