4-Day SLP Congress, Binuksan sa Bayambang; Mga Bb. Bayambang, Nagningning sa Pagrampa!

Sa pagbubukas ng 5th Region 1 SLP Congress ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong November 12, 2024 sa ating bayan, ipinamalas ang ganda at husay ng mga produkto ng mga Sustainable Livelihood Program (SLP) beneficiaries mula sa Rehiyon Uno, kabilang na ang mga taga-Bayambang.

Ang ceremonial lighting ng Sibol Arc ay pinangunahan ni DSWD Regional Director Marie Angela S. Gopalan, Regional Director ng DSWD Field Office 1 sa open grounds ng lumang Bayambang Central School. Kasunod nito ang pagbisita sa iba’t ibang booth ng mga opisyal ng DSWD, provincial government, at LGU-Bayambang sa pangunguna ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan.

Ang grand opening na kasunod na ginanap sa Balon Bayambang Events Center ay dinaluhan ng mga matataas na opisyal, kabilang na si Asec. Florentino Y. Loyola, Jr., Assistant Secretary for Specialized Programs ng DSWD. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng SLP.

Isa sa mga highlight ng event ang pagbibigay ng “Kaagapay sa Pagsibol” at pag-award ng seed capital fund sa mga SLP beneficiaries, kabilang na ang mga taga-Bayambang, upang mas mapalago pa ang kanilang mga negosyo.

Sa pamamagitan ng isang video, nagpaabot ng mensahe ng pagsuporta si Mayor Niña Jose-Quiambao sa nasabing event.

Pagkatapos nito, isang AVP rin ang ipinakita upang i-highlight ang iba’t ibang produkto ng mga SLP beneficiaries, kabilang ang handicrafts, accessories, at kagamitang pambahay.

Kinagiliwan naman ng mga dumalo ang “Magana at Likhang Hiraya” fashion show kung saan iprinesenta ng mga Bb. Bayambang ang mga SLP products habang suot ang mga gown na ipinahiram ng mga kilalang local at international designers, kabilang si Michael Leyva. Nagdagdag ito ng lalong kinang at ganda sa bawat produkto na ipinarada sa catwalk. (Angel P. Veloria/RSO; Rob Cayabyab)