3Q NSED, Tuloy pa rin sa Gitna na Ulan

Kahit umulan at nawalan pa ng kuryente, tuloy pa rin ang 3rd quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2025 sa bayan ng Bayambang nitong Setyembre 11, 2025, at nagtulung-tulong pa rin ang iba’t ibang sektor sa pag-eensayo sa kanilang kahandaan sa sakuna.

Ang aktibidad, na ginanap sa ganap na ika-4:00 ng hapon, ay bahagi ng pambansang adhikain upang paigtingin ang paghahanda ng komunidad sa mga banta ng lindol at iba pang kalamidad.

Batay sa Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act at alinsunod sa Local Disaster Risk Reduction and Management Plan ng Bayambang, layon ng drill na sanayin ang mamamayan sa tamang pagtugon sa pamamagitan ng “Duck, Cover, and Hold” at iba pang ligtas na hakbang. Bukod dito, ito ay tugon rin sa Sendai Framework for Action 2015–2030 na naglalayong bawasan ang pinsala ng mga sakuna sa pamamagitan ng kolektibong aksyon.

Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC), sa pamumuno ng chairperson nito na si Mayor Niña Jose-Quiambao, ang nasabing pagsasanay sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga national agencies, paaralan, barangay, at pribadong sektor.

Nakiisa sa aktibidad ang mga guro at mag-aaral mula sa pampubliko at pribadong paaralan, mga kawani ng lokal na pamahalaan na ginabayan ng kanya-kanyang designated safety officers, at kinatawan mula sa 77 barangay ng bayan. Sinuri rin ang mga protocol sa paglikas, komunikasyon, at agarang pagtulong sa mga nasugatan gamit ang mock rescue operations.

Bago ang NSED, mayroong inisyu sa publiko ang MDRRM Office na detalyadong guidelines ukol sa pagconduct ng drill, partikular na ang mga dapat gawin BAGO lumindol, HABANG yumayanig, at PAGKATAPOS ng lindol.

Nagkaroon din ng briefing ang lahat ng safety officers at responders sa MDRRMO Operation Center Conference Room noong nakaraang September 9, 2025.

Ang lahat naman ng Safety Officers ay nagsumite rin ng komprehensibong mga evaluation form, at umattend ng debriefing session sa MDRRMO Operation Center Conference Room upang talakayin ang mga naging strengths at weaknesses ng naging drill.

Ayon kay Local Disaster Risk Reduction and Management Officer Gene N. Uy, ang Bayambang ay patuloy na magsasagawa ng mga inobasyon sa disaster preparedness, kabilang ang pag-upgrade ng early warning systems at pagpapalawak ng community training. “Ang patuloy na pagsasanay at pagtutulungan ang susi upang maging resilient ang ating bayan sa anumang sakuna,” dagdag niya.

Ang NSED ay isa sa mga pangunahing hakbang ng bansa upang itaas ang kamalayan ng publiko at gawing “disaster-ready” ang bawat komunidad. Sa Bayambang, ang sama-samang pagkilos ngayon ay magsisilbing pundasyon para sa mas ligtas na bukas. (Charlaine T. Melendez, VMF/RSO; JMB, MDRRMC)