3Q at 4Q Social Pension ng mga Indigent Senior Citizens, Naipamahagi Na!

Matagumpay na naipamahagi sa 3,193 benepisyaryong indigent senior citizens sa bayan ng Bayambang ang kanilang 4th quarter social pension para sa taong 2025 mula sa DSWD noong Disyembre 9-11, 2025, at ang 3rd quarter social pension noong Nobyembre 18-20, 2025 na may 3,242 senior citizens na benepisyaryo.

Sa kabuuan, may P6,000.00 cash na natanggap ang bawat benepisyaryo na nagsilbing tulong upang mapagaan ang kanilang kalagayan at matugunan ang mga pangangailangan tulad ng gamot, pagkain, at iba pang mga gastusin sa araw-araw. Ang bawat sentimong ipinagkaloob ay nagsilbing alalay sa mga senior citizens na siyang may pinakamalaking pangangailangan sa ating komunidad.

Tunay ngang masaya ang kanilang Pasko dahil sa natanggap na tulong mula sa programang ito, na nagbigay sa kanila ng ginhawa at pag-asa sa harap ng mga hamon sa buhay.

Ang matagumpay na payout ay isang patunay ng malalim na malasakit at pagmamahal ng lokal na pamahalaang bayan ng Bayambang, na pinangungunahan ng ating butihing Mayor Niña Jose-Quimbao, sa mga nakatatanda, at sa pakikipagtulungan ng OSCA, MSWDO, at ang Municipal Treasury Office (MTO).

Sa bawat ngiti at pasasalamat ng ating mga senior citizen, mas napagtitibay ang ating layunin na maghatid ng tapat, mabilis, at mahusay na serbisyo para sa ating mga nakatatandang miyembro ng komunidad. (MFF; MTO)