356 Indigent Solo Parents, Tumanggap ng Financial Subsidy

Aabot sa 356 indigent solo parents ang nakatanggap ng financial subsidy mula sa Local Government Unit (LGU) ng Bayambang ngayong araw, Enero 22, 2025, sa Pavilion I ng Saint Vincent Ferrer Prayer Park sa Brgy. Bani, sa isang programa na pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Municipal Treasury Office.

Ang payout ay bahagi ng pagtupad ng LGU sa mga probisyon ng Republic Act No. 11861 o Expanded Solo Parents Welfare Act, na nagbibigay ng benepisyo tulad ng buwanang cash assistance sa mga kwalipikadong solo parent na kumikita ng minimum wage o mas mababa pa.

Ang financial subsidy ay makakatulong sa pagbabayad ng mga pangunahing pangangailangan ng mga solo parents tulad ng pagkain, edukasyon ng mga bata, at gastusin sa kalusugan.

Mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at Councilor Jocelyn Espejo, “Lagi nating binibigyang prayoridad ang mga pamilyang Bayambangueño, lalo na ang mga solo parent na nagtitiyagang maitaguyod ng mag-isa ang kapakanan ng kanilang mga anak. Nawa’y makatulong ang payout na ito na mapagaan ang kanilang pasanin at bigyan sila ng pag-asa.”

Ayon kay MSWD Officer Kimberly Basco, bago ang payout, ang MSWDO ay nagsagawa ng validation process sa pamamagitan ng pagbisita sa mga benepisyaryo para tiyakin na ang tulong ay maiiabot sa mga tunay na nangangailangan.

Naroon din ang GCash kasama ang ICT Office upang iparating sa mga indigent solo parent beneficiaries na kailangan na nilang mag-apply para sa GCash cash cards upang mas convenient na makapag-avail ng mga benepisyong tulad nito. Ang mga benepisyaryong di pa dumaan sa data capture para rito ay maaaring magtungo sa bagong tanggapan ng MSWDO sa MSWDO Bldg. sa Brgy. Magsaysay.

Nagsagawa rin ang MSWDO ng isang Orientation on Solo Parent Benefits.

Namahagi rin ng bigas sa aktibidad mula sa donasyon ng OCD Region I sa MDRRMO. (VMF/RSO; RobC, JMB)