355 Depektibong Timbangan, Winasak

May 355 na depektibong timbangan ang winasak ng LGU ngayong araw, May 3, 2024, sa harapan ng Mnicipal Public Market.

Batay sa Kabanata II ng RA 7394 (Consumer Act of the Philippines) o mga regulasyon kaugnay ng mga timbangan at iba pang panukat na ginagamit sa merkado para sa mga consumer, ang anumang timbaangan o instrumento na napatunayang depektibo at hindi na maaayos pa ay dapat kumpiskahin pabor sa pamahalaan at sirain ng Municipal Treasurer o ng kanilang kinatawan.

Tinitiyak ng LGU-Bayambang, sa pamamagitan ng Special Economic Enterprise, na nakakamit ang mandatong ito hinggil sa regulasyon kaugnay ng mga timbangan at panukat.

Kabilang sa mga naroroon sa aktibidad sina SEE head, Atty. Melinda Rose R. Fernandez, kinatawan ni MTO/BPLO head Luisita Danan, Ret. Col. Leonardo Solomon ng BPSO, Engineering Office, at Motorpool head Jesus Gangano.

Ayon sa datos ng SEE, kabilang sa nawasak ang 263 depektibong timbangan na nakumpiska mula 2018 hanggang 2022, 64 mula sa taong 2023, at 28 mula sa taong ito mula Enero hanggang Abril.

Naatasan naman ang General Service Office na idispose ang mga nayupi-yuping timbangan.

(nina: Khim Ambrie L. Ballesteros, Maricar Perez/RSO; larawan: JMB)