3 PMMA Grads, Nagcourtesy Call kay Mayor Niña

Tatlong bagong ensign ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) Kadaligtan Class 2025 ang nag-courtesy call kaya Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ng tanggapan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, kahapon, Agosto 20, 2025.

Sila ay sina ENS Mark Angelo V. Junio PN ng Brgy. Buenlag 1st, ENS Charles Nilmark J. Cayabyab PN ng Buayaen, at ENS Sante A. Mejia Jr. PN ng Manambong Sur.

Dumalaw ang mga bagong graduate ng PMMA, na mga tubong Bayambang, sa lokal na pamahalaan upang ipagpasalamat ang suporta ng kanilang bayan at tanggapin ang pagkilala sa kanilang pagtatapos.

Binigyang-diin ni Atty. Vidad ang kahanga-hangang pagpupunyagi ng tatlo, lalo pa’t pawang anak sila ng mga magsasakang nagsumikap upang maitawid ang kanilang edukasyon.

“Hindi hadlang ang kahirapan sa edukasyon kung may pangarap!” bulalas niya. Sila aniya ang magwawakas ng kahirapan sa kanilang henerasyon at sila ang mag-aahon at magbibigay ng ginhawa sa kanilang pamilya.

Perfect timing din ang kanilang pagbisita dahil kasalukuyang ipinagdiriwang ng Bayambang ang ikawalong anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

Ayon sa mga bagong graduate na mandaragat, ang kanilang tagumpay ay alay sa kanilang mga magulang na nagpakadalubhasa sa pagtitiyaga sa bukid upang sila ay mapag-aral.

Sa darating na buwan, sasampa na ang tatlo sa mga barko bilang bahagi ng kanilang pagsasanay.

Naniniwala ang lokal na pamahalaan na edukasyon ang isa sa mga susi upang mawakasan ang kahirapan sa bayan ng Bayambang, at ang tatlong bagong ensign ng PMMA na nakatakda nang maglayag ay matibay na patunay nito. (VMF/RSO; Karl Vincent Alvarez)