2,804 4Ps Members, Nag-exit sa Programa!

Pormal na nagsipagtapos at nag-exit mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang 2,804 benepisyaryo matapos ang mga ito ay mag-improve sa kanilang level of well-being, wala nang puwedeng ma-monitor na 0-18 years old o buntis na miyembro ng pamilya, o nagboluntaryong mag-exit sa programa.

Layunin ng 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tulungan ang mga pamilyang mahihirap na makaahon sa kahirapan at maging handang maging independyente.

Nagbigay ng mensahe si Dr. Rafael L. Saygo, MTICAO head at BPC President na nagbigay-diin sa kahalagahan ng edukasyon at pagtutulungan tungo sa pag-angat ng pamumuhay.

Sa naturang seremonya, ipinahayag ng kinatawan ng DSWD-R1 na si Mr. Richard D. Rivera Jr., Municipal Action Team Leader ng MOO Bayambang, ang mga naging accomplishment ng programa sa nakalipas na taon, habang tinalakay ni MSWD Officer Kimberly P. Basco ang Sustainability Plan 2024 para sa patuloy na pag-unlad ng mga graduates.

Inendorso naman ni 4Ps Pangasinan Provincial Link Evafe L. Terte, bilang kinatawan ni DSWD FO1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan, ang mga nagsipagtapos.

Bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, nagbigay ng mensahe si Vice-Mayor Dr. Ian Camille Sabangan: “Kahanga-hanga ang bawat isa sa inyo dahil kayo ay buhay na patunay sa kasabihang, ‘Ang tagumpay ay hindi para sa mga sumusuko, kundi para sa mga nagpapatuloy.’ Kahit nakakatakot, kahit walang kasiguraduhan ang bawat bagong umaga… bumangon at nagpatuloy kayo. Buong tapang ninyong ipinakita na ang hirap ng buhay ay hindi permanenteng hadlang sa pagkamit ng tagumpay.”

At bilang simbolo ng pangako sa pagpapatuloy ng pag-angat ng pamumuhay, pinangunahan ni Vice-Mayor IC ang Panunumpa Laban sa Kahirapan.

Naroon din upang magbigay ng mensahe at suporta si Atty. Anafeil Cruz-Lauraya, Provincial Consultant, bilang representative ni Gov. Ramon Guico III, gayundin si Councilor Jocelyn Espejo at Councilor Raymund Camacho.

At nagbigay-aliw din sina Ms. Chelsea Alcanta at Mr. Jielver Carlaga sa pamamagitan ng isang intermission number.

Ibinahagi rin ng isang benepisyaryo na si Kagawad Apple Parrocha ng Brgy. Hermoza ang kanyang mga karanasan kung paano nakatulong ang 4Ps sa pagbabago ng kanyang buhay. Binigyan naman ng token at certificate mula sa LGU at DSWD ang bawat nagsipagtapos.

Ang naturang seremonya ay ginanap sa Pavilion 1, St. Vincent Ferrer Prayer Park, Brgy. Bani, ngayong araw, Agosto 28, 2025, na siyang naging highlight ng pagdiriwang ng ika-walong anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

At ito ay patunay ng pangakong walang maiiwang Bayambangueño sa ilalim ng administrasyong Quiambao-Sabangan at na ang tagumpay ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan ay patuloy na nagiging reyalidad. (Charlaine T. Melendez, KB/RSO; JMB)