2024 CBMS Data Mula sa PSA, Pormal na Tinanggap ng LGU

Pormal na tinanggap ng LGU, sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, ang 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa ginanap na data turnover ceremony nitong Nobyembre 7, sa Mayor’s Conference Room (MCR).

Sa ngalan ni PSA Regional Director, Atty. Sheila O. de Guzman, nagbigay ng pambungad na mensahe si G. Xavier B. Narvas, PSA Statistical Specialist II.

Sa kanyang acceptance speech, ipinaabot ni Mayor Niña ang taos-pusong pasasalamat sa PSA sa pangunguna ni National Statistician and Civil Registrar General, Usec. Dr. Claire Dennis S. Mapa, para sa patuloy na suporta at pakikipagtulungan sa Lokal na Pamahalaan ng Bayambang.

Binigyang-diin ng alkalde na ang CBMS data ay magsisilbing mahalagang batayan sa pagbuo ng mga polisiya at programang tunay na tumutugon sa aktuwal na pangangailangan ng bawat Bayambangueño.

Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina Senior Statistical Specialist Verna M. Palsimon ng PSA-Pangasinan, na nagbahagi ng highlights ng 2024 CBMS Results, at OIC-Municipal Planning and Development Coordinator Ricky V. Bulalakaw, na tinalakay ang mga plano at programang gagamit ng CBMS data para sa mas mahusay na serbisyo publiko at seguridad ng impormasyon.

Nagbahagi rin ng kanilang mga mensahe ng suporta sina DILG Pangasinan Provincial Director Virgilio P. Sison, na nagpahayag ng kahalagahan ng CBMS sa pagpapalakas ng koordinasyon at pamamahala ng mga lokal na pamahalaan.

Samantala, pinuri ni PSA-Pangasinan Statistical Analyst Allen Joy B. Paulo ang aktibong partisipasyon ng LGU-Bayambang, at tiniyak ang patuloy na suporta ng PSA sa paggamit ng CBMS data sa lokal na antas.

Ang nasabing turnover ay bahagi ng masusing pagtutulungan ng PSA at LGU-Bayambang upang mapaigting ang paggamit ng datos sa pagpaplano, pagdedesisyon, at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran. (RGDS/RSO; WMC)