Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2026 Environmental Month at pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan, matagumpay na nagsagawa ng tree planting activity ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa Municipal Materials Recovery Facility (MRF) noong Hunyo 19, 2026.
Pinangunahan ni Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) Ma-Lene S. Torio ang aktibidad, katuwang ang mga kinatawan mula sa Environmental and Solid Waste Management Office (ESWMO), Office of the Municipal Administrator, Municipal Engineering Office (MEO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Provincial Population Cooperative and Livelihood Development Office sa pangunguna ni G. Ellsworth G. Gonzales, at iba’t ibang Civil Society Organizations (CSOs).
May kabuuang 200 punong namumunga ang itinanim sa nasabing lugar, kabilang ang 50 punong guyabano, 50 punong langka, 40 punong atis, 30 punong kasoy, at tig-10 punong bignay, cacao, at avocado.
Ayon sa MENRO, layunin ng programa na higit pang mapalakas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran, habang hinihikayat ang aktibong pakikilahok ng komunidad sa mga gawaing makatutulong sa paglikha ng mas luntian, mas malinis, at mas malusog na kapaligiran para sa susunod na henerasyon.
Patunay ang naturang aktibidad sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at iba’t ibang sektor ng lipunan para sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalikasan sa Bayambang. (RB/RSO; ESWMO)






