19 Indibidwal na Nagtagumpay sa Sariling Maliit na Negosyo, May Tig-P10,000 Cash Grant mula sa DSWD Pangasinan

Sadyang may dumarating na surpresang gantimpala sa mga nagpupursige sa buhay!

Sa tulong ng MSWDO, 19 na Bayambangueño ang binigyan ng cash grant ng DSWD Pangasinan matapos silang magpakita ng tagumpay sa sariling maliit na negosyo.

Ito ay kaugnay ng implementasyon ng ‘Usbong’ phase ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD sa pamamagitan ng pamimigay ng tinaguriang Product Diversification and Development Grant.

Ang mga benepisyaryo, na ilan ay 4Ps graduates, ay matagumpay na pumasa sa Sustainability Plan sa ilalim ng ‘Usbong’ phase.

Ang PDDG ay nagsisilbing gantimpala sa mga nagsikap na lumaban ng patas sa buhay.

Ang bawat isa ay nakatanggap ng P10,000 na cash na kanilang magagamit sa pagpapalago ng kanilang napiling hanapbuhay.

Ayon kay MSWD Officer Kimberly Basco, “bawat isa sa kanilang maliliit na negosyante ay nagsisilbing mabuting halimbawa at inspirasyon sa ibang nais umangat ang kabuhayan.”

Kabilang sa mga negosyo ng 19 na benepisyaryo ay pagbebenta ng street food, gulay, prutas, kakanin, inihaw, ice cream, isda, buko juice, hot meals, plastic ware, frozen foods, at binuburan. (RSO; MSWDO)