May 1,609 na Child Development Center (CDC) learners ang nagsipagtapos sa ginanap na 36th Pre-Kindergarten Moving-Up Ceremony mula Marso 16 hanggang 19, 2026 sa Balon Bayambang Events Center.
Sa temang “Maliit na Hakbang tungo sa Malaking Pangarap,” binigyang-diin ang mahalagang papel ng maagang edukasyon sa paghubog ng kinabukasan ng kabataan.
Sa programang ito na inorganisa ng MSWDO, Child Development Focal Person, at Bayambang CDW Federation, nagtipon ang mga opisyal ng pamahalaan, mga guro, magulang, at iba pang kinatawan upang ipakita ang suporta sa mga batang nagsipagtapos.
Nagbahagi ng kani-kanilang mensahe ng inspirasyon ang mga panauhing pandangal na sina School Administrator Marilyn S. Sison (unang araw), daycare alumna at ngayon ay college math teacher na si Ara Joyce Sanchez Bato (ikalawang araw), SK Federation President John Roy G. Jalac (ikatlong araw), at PNP Crime Registrar, NUP Nora Ramos de Leon (ikaapat na araw).
Binigyang-diin sa kanilang mga pahayag ang kahalagahan ng pagtutulungan ng paaralan at pamilya sa paggabay sa mga bata sa kanilang unang hakbang sa edukasyon.
Nagpaabot din ng pagbati sina Municipal Mayor Nina Jose-Quiambao, Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, Konsehal Jocelyn Espejo, at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, na hinikayat ang mga mag-aaral na patuloy na mangarap nang malaki at magsikap sa pag-aaral. Nagpasalamat din sila sa mga guro at magulang sa kanilang dedikasyon at walang sawang suporta sa mga bata. (Arianne Angel A. Villanueva/RSO; MNJQ photos: RobC; other photos: JMB, AG, John Andrew Bacani, MJPB/MSWDO)














