ni Althea Marize D. Ruar, The Reflector
Labing-isang pinakanatatanging indibidwal ang pinarangalan ng Pamahalaang Lokal ng Bayambang sa ika-walong taon ng Matalunggaring Awards, sa ginanap na pormal na seremonya sa Balon Bayambang Event Center, ika-5 ng Abril 2026.
Ang mga binigyang-tangi na huwarang Bayambangueño ay sina Atty. Jaime Payomo Junio (Serbisyong Publiko), Dr. Mario Ballesteros Geronilla (Kalusugan at Serbisyong Humanitaryo), Major Claro Junio Camacho (Serbisyong Militar), Richard Pascual Olalia, M.D. (Medisina), Erlinda de Guzman Lagoy Luna, MD, FPAFP (Serbisyong Humanitaryo), Atty. Augusto De Guzman Mamaril (Serbisyo sa Pamahalaan), Atty. Diosdado Roxas Mendoza (Ekonomiya), Jayson Carungay Ibañez (Agham at Teknolohiya sa Bio-diversidad at Konserbasyon), Donita Rose Ramos Cavett-Palad (Popular na Kultura, Sining, at Libangan), Cresencia Honrado-Fortunato (Edukasyon), at Leonora Perez Sagun (Negosyo).
Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng isang espesyal na tropeo na sumasagisag sa kahusayan at giting na kanilang ipinamalas sa kani-kaniyang larangan.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao na ang Matalunggaring Award ay pagkilala sa hindi matatawarang dangal sa iba’t ibang larangan ng mga indibidwal na hindi lamang nangarap kundi nagsilbing tulay para sa nakararami. Sila aniya ay mga huwaran at simbolo ng disiplina, tiyaga, at tatag.
“Maraming salamat po sa inyong mga sakripisyo, thank you for the long hours, the quiet battles, the relentless work, and the dedication that often goes unseen. Because of you, the country and even the world comes to know what Bayambang is capable of,” saad niya.
Kaniya ring hinimok ang bawat indibidwal na nagkamit ng paaralan na bisitahin ang mga barangay, paaralan, at komunidad dahil, sa likod ng patuloy na paglago ng teknolohiya at sa pagharap sa sari-saring problema, kinakailangan nila ng mga ehemplong nagpapakita ng totoong malasakit sa kapwa.
“Be visible, be present. Be an inspiration to our youth and to our people. They need people to remind them that dreams are valid, that excellence is truly possible, and one day, they too can be the next Matalunggaring Awardee,” aniya.
Sa kanyang panimulang mensahe, binigyang halaga naman ni Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, Municipal Administrator, na ang pagkilala sa Matalunggaring Award ay marka ng kahusayan na patuloy na umaalab sa buhay ng indibidwal na nagsilbing ilaw sa gitna ng kadiliman.
Gayundin, sa inspirasyonal na mensahe ni Dr. Cezar T. Quiambao, Special Assistant to the Office of the Mayor, ang Matalunggaring Award aniya ay isang pamantayan ng kahusayan, integridad, at malasakit sa kapwa na nagsisilbing repleksyon ng pamumuhay hindi lamang para sa sarili kundi para sa nakararami.
Sa kaniyang pangwakas na mensahe, binigyang-pugay ni Hon. Camille C. Sabangan, DPA, Pangalawang Punong Bayan, ang mga natatanging Bayambangueño na nagkamit ng parangal, isang pagkilalang sumasalamin aniya sa totoong giting at dangal ng bawat mamamayan ng Bayambang.
Ang nasabing seremonya, na inorganisa ng tanggapan ni Sangguniang Bayan Secretary Joel V. Camacho, ay sumasalamin sa bawat kuwentong patuloy na magiging inspirasyon para sa nakararami upang makamit ang mas progresibong kinabukasan, dala ang giting at tatak ng isang Bayambangueño. (mga larawan nina: RobC – first 39 shots; Sarah Vicente – The Reflector)











