1,026 Magsasakang Bayambangueño, Ginawaran ng Food Assistance

Mahigit sa isang libong magsasaka sa Bayambang ang tumanggap ng food assistance sa isinagawang pamamahagi na pinangunahan ng DSWD at Pinoy Workers Partylist, sa pamamagitan ni Board Member Raul R. Sabangan.

Ang aktibidad na ginanap sa Pavilion 1 ng Saint Vincent Ferrer Prayer Park sa Brgy. Bani, ay naglalayong magbigay ng tulong sa mga magsasaka na labis na naapektuhan ng pinakahuling kalamidad.

Ayon kay BM Sabangan, ang pamamahagi ng tulong ay isang paraan upang maipakita ang suporta at pagkilala sa mga magsasaka na siyang tunay na nagpapakain sa bansa. “Alam namin ang mga pagsubok na kinakaharap ng ating mga magsasaka, kaya sa pamamagitan ng tulong na ito, umaasa kami na kahit papaano ay maibsan ang kanilang mga alalahanin,” ani Sabangan.

Dagdag pa niya, ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng Pinoy Workers Partylist na naglalayong itaguyod ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, lalo na ang mga nasa sektor ng agrikultura.

Ang mga benepisyaryo ay nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa natanggap na tulong sapagkat malaking tulong anila ang ayudang natanggap lalo na sa panahon ngayon na sunod-sunod ang kalamidad na dumating.

Ang pamamahagi ng assistance na ito ay naging matagumpay sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Bayambang, DSWD, at ng Pinoy Workers Partylist. Inaasahan na ang ganitong mga inisyatibo ay magpapatuloy upang mas maraming mga magsasaka at mga manggagawa ang matulungan. (VMF/RSO; JMB)