ni Rochelle Tomas
Bilang pagpupugay sa sipag, tiyaga, at sakripisyo ng mga magsasaka sa bayan, naging sentro ng pagkilala at pasasalamat ang Farmer’s Day Celebration, kung saan tampok ang handog na 10 litrong gasolina kada isa para sa 1,000 magsasaka, mula kay Mayor Niña Jose-Quiambao bilang dagdag-suporta sa kanilang araw-araw na paghahanapbuhay.
Ang pagdiriwang ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center, ika-30 ng Marso 2026.
Sa kaniyang mensahe, taos-pusong pinuri ni Mayor Niña ang mga magsasaka bilang tunay na pundasyon ng Bayambang. “Nais kong itanim sa inyong mga puso, hinding hindi kayo nag-iisa Patuloy tayong maglulunsad ng programa, suporta at estratehiya upang matiyak na ag inyong pagod ay magbunga ng kasaganahan,” aniya.
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng pagdiriwang ang pagpapalawak ng E-Agro Program, isang makabagong inisyatiba na nakatuon sa teknolohiya, corporate cooperative farming, seed industry programs, at mas maayos na pasilidad para sa agrikultura. Sa ilalim ng Farmer Assistance Program, layunin nitong mapadali ang pagpopondo, pagtatanim, pag-aani, at pagbebenta ng mga produkto ng mga magsasaka.
Nagbigay rin ng mensahe si Dr. Conrado F. Estrella III, Kalihim ng Department of Agrarian Reform, na tumalakay sa mga hamon sa sektor ng agrikultura dulot ng pandaigdigang krisis at tensyon sa Middle East na maaaring magdulot ng panibagong pagtaas sa presyo ng pataba. “Huwag na kayong sumama sa away at giyerang nararanasan natin. Kung nais ninyong umangat tayo, magkaisa tayo at labanan ang gutom at kahirapan,” aniya.
Binigyang-halaga rin ang talento ng mga magsasaka sa pamamagitan ng Farmer’s Got Talent, kung saan ipinamalas ng mga kalahok mula sa iba’t ibang barangay ang kanilang husay sa pag-awit at pagtatanghal na nagbigay-sigla at saya sa buong programa. Itinanghal ang mga sumusunod na nagwagi:
Kampeon: Francisco Taan (Buayaen)
1st Runner-up: Rosana Lucero (Ambayat)
2nd Runner-up: Conrado Dela Cruz (Apalen)
Tampok din sa selebrasyon ang PINAKA, isang patimpalak kung saan ipinagmalaki ng mga magsasaka ang kanilang pinakamalalaki at mahahabang ani na gulay at prutas:
Pinakamahabang Malunggay: Julio Esteban
Pinakamabigat na Kalabasa: Rodel Bato
Pinakamahabang Mais: Bernie Ancho at Rodel Bato
Pinakamalaking Sibuyas: Merlyn Semania at Antonio Cariño
Bilang pagtatapos, muling binigyang-diin ni Engr. Zerex Terrado, Municipal Councilor at Chairperson ng Sangguniang Bayan Committee on Infrastructure, Public Services and Utility, ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa patuloy na pag-unlad ng bayan. “Ang mga magsasaka ang tunay na bayani at ang inyong kamay ang patuloy na nagtataguyod ng ating bayan,” mensahe niya.
Upang matiyak na walang magsasakang uuwing walang dala, nagkaroon din ng mga larong “Bring Me,” raffle draw, at samu’t saring papremyo gaya ng bigas, fertilizer, sprayer, cash prize, at gasoline voucher.
Ang selebrasyong ito ay patunay na kinikilala, pinahahalagahan, at patuloy na sinusuportahan ang mga magsasaka ng Bayambang na nagpapakita na ang kanilang pawis at sakripisyo ay may katumbas na pag-asa, kasaganaan, at mas matatag na kinabukasan para sa buong bayan. (larawan nina: Angel Grace Elbambo- The Reflector, Andrew Casipit, JMB)










